-- Advertisements --

Isinisi ni House Deputy Majority Leader Janette Garin sa pinuno ng Department of Health (DOH) noong administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang pagkasira ng bilyun-bilyong halaga ng bakuna at medical supplies na binili ng gobyerno.

Ayon sa inilabas na ulat ng Commission on Audit kaugnay, mahigit P11 bilyon halaga ng mga gamot at medical supplies ang nag-expire kabilang dito ang 7,035,161 botelya ng mga bakuna laban sa COVID-19.

Ayon pa kay Garin, na dati ring naging kalihim ng DoH, maaaring iwasan na maaksaya ang mga bakuna at gamot sa pamamagitan ng pagsubaybay sa dami ng suplay at paggamit ng mga medical supplies ng tama.

Kamakailan lang ay pinuna rin ni Garin si Health Secretary Ted Herbosa sa kakulangan ng mga bakuna na maaaring nagresulta sa pagkasawi ng ilang indibidwal.

Noong 2023, iniulat din ng COA na ang kabuuang halaga ng mga gamot at iba pang imbentaryo ng DOH ay umabot sa P7.43-B. Kasama sa halagang ito ang mga gamot na nasira, malapit nang mag-expire, o mga gamot na nag-expire na.