VIGAN CITY – Kumpiyansa ang kampo ni dating Health Secretary Janette Garin na maibabasura lamang ang kasong reckless imprudence resulting in homicide na maisasampa laban sa kaniya at sa mga kapuwa nito akusado.
Sa panayam ng Bombo Radyo Vigan, iginiit ni Garin na walang basehan ang kasong isasampa laban sa kaniya, kasama na ang siyam na iba pang doktor at ilang grupo at personalidad dahil malinaw umano na nahaluan ng politika ang Dengvaxia immunization program na naisagawa noong nakaupo pa ito bilang kalihim ng Department of Health (DOH).
Nababahala umano ito dahil sa posibleng epekto ng desisyon ng panel of investigators ng Department of Justice (DOJ) sa immunization program ng DOH na ngayon ay nahaharap din sa ibang kontrobersiya.
Muli rin nitong sinabi na walang masamang epekto ang Dengvaxia vaccine sa mga nabakunahan nito 20 bansa sa European Union at pati na ang Amerika ang nagrekomendang gamitin ito laban sa paglaganap ng dengue, hindi lamang dito sa bansa kundi maging sa iba pang bansa kung saan mataas ang kaso ng nasabing sakit.
Idinagdag nito na ilang beses umanong sinabi ng World Health Organization (WHO) na wala pang namatay dahil sa bakuna kaya masasabing ligtas itong gamitin.
Ipinapanalangin din nito na malagpasan umano ng mga doktor na kagaya niya ang kinakaharap nila sa kasalukuyan kung saan ang isyu hinggil sa Dengvaxia immunization program na isinagawa para sa kaligtasan ng karamihan ay pinasama at ginagamit ngayon sa pamumulitika.