Nagbabala si dating health secretary at House Majority Leader Janette Garin sa publiko na mag ingat kasunod ng pagtaas ng kaso ng tuberculosis (TB) sa Tondo, Manila.
Ginawa ni Garin ang pahayag matapos ma-diagnosed ng isang grupo ng mga doktor ang nasa 1,280 residente ng Tondo ang nagpositibo sa sakit na Tuberculosis.
Ayon sa Kongresista nakaka-alarma ang nasabing ulat kaya dapat gumawa na ng aksiyon ang gobyerno dito.
Dagdag pa ng lady solon may nakita rin siyang kahalintulad na kaso sa Iloilo ng magsagawa ito ng medical mission na tinawag na Bantay Kalusugan.
Nagpahayag din ng pangamba si Garin dahil palaging out of stock ang gamot para sa TB sa mga public medical facilities.
Giit ni Garin nakakabahala na kulang ang gamot para sa ganitong uri ng sakit.
Aniya, kailangan may tamang distribution at maayos na sistema sa pagbibigay ng gamot upang matiyak na makakakuha ng sapat na gamot ang mga Pilipino.
Binigyang-diin ng doctor solon na ang TB ay isang infectious disease na sanhi ng bacteria.
Batay sa datos ng World Health Organization (WHO) nuong 2023 tinatayang nasa 10.8 million individuals sa buong mundo ang nagkaroon ng TB.