-- Advertisements --

Pinagsabihan ni Deputy Majority Leader at Iloilo First District Representative Janette Garin ang Commission on Higher Education (CHED) na kung maaari ay unahin ang pagbibigay ng scholarship sa mga estudyante imbes na gastusin ang pondo para sa mga non-essential expenditures.

Hinikayat ni Garin si CHED Chairperson Prospero De Vera III na ibigay ang pangangailangan ng mga estudyante, at dapat mas maraming pondo ang ilaan para sa scholarship program.

Ayon sa mambabatas malaki kasi ang pagkakaiba sa “wants and needs” at ang kailangan ngayon ng mga kabataan ay mabayaran ang tuition fees.

Binatikos ni Garin ang malaking gastos ng CHED sa paggawa ng guidelines, biyahe, bisita, research, pang-evaluate ng performance na hindi naman kailangan.

Aniya, maaaring makipagtulungan ang CHED sa iba pang ahensya sa mga programang tulad ng Integration of Natural Green and Renewable Energy sa mga eskwelahan, na binanggit na may kaparehong proyekto ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) at Department of Energy (DOE).

“Ang napapansin lang namin, CHED always says ang daming kailangan ng mga estudyante [but] apparently you are not that keen on directly giving the assistance to our students because we are at a point na ang dami ngayon na hirap na hirap na gumastos ng pang tuition because we are in the midst of challenging times,” ayon ng mambabatas.

Noong 2023, iminungkahi ng CHED ang kabuuang expenditure program na P30.7 bilyon, na may P29.3 bilyon o 98.5 porsiyento na itinalaga para sa pagpopondo ng mga scholarship sa pamamagitan ng Higher Education Development Program (HEDP).

Para sa 2024, tumaas ang panukalang badyet ng ahensya sa P31 bilyon; gayunpaman, nagkaroon ng bahagyang pagbaba sa alokasyon para sa HEDP, na ngayon ay nasa P29 bilyon na lang.