VIGAN CITY – Iginiit ni dating Department of Health (DoH) Secretary Janette Garin na wala itong kasalanan hinggil sa isyu ng Dengvaxia vaccine.
Ito ay kasabay ng pagpapalabas ng Department of Justice (DoJ) panel of prosecutors ng resolusyon sa mga kasong reckless imprudence resulting to homicide na isinampa laban sa kanya at sa siyam na iba pang opisyal ng DoH.
Sa panayam ng Bombo Radyo Vigan, sinabi ng dating kalihim na malinis ang kanyang konsensiya sa pagpapabakuna ng Dengvaxia sa mga bata dahil wala naman umanong opisyal ng gobyerno na maghahangad na mapahamak ang publiko sa mga programang kanilang ipinapatupad.
Sinabi rin nito na mayroon silang mga naipakitang pruweba na walang iregularidad sa Dengvaxia procurement na nagkakahalaga sa P3.5-billion.
Muli ring nanindigan si Garin na mayroon silang mga dokumentong hawak na magpapatunay na hindi nakamamatay ang bakuna ngunit ang ilan ay may maliit na tiyansa na magka-dengue matapos ang 30 buwan na 0.2 percent mula sa 10 percent lamang.