-- Advertisements --
Janette Garin
Iloilo 1st District Representative Janette Garin

ILOILO CITY – Hindi umano natitinag si dating Department of Health (DOH) secretary at ngayon Iloilo 1st District Representative Janette Garin at siyam na kasamahan nito sa kasong kinakaharap may kaugnayan sa 2nd batch ng Dengvaxia case.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Garin, sinabi nito na “recycled case” ang reckless imprudence resulting to homicide na isinampa ng Department of Justice laban sa kanya, mga opisyal ng Department of Health, Food and Drug Administration, Research Institute for Tropical Medicine at Sanofi Pasteur.

Ayon kay Garin, hindi siya natatakot dahil napatunayan na umano na “hindi ang Dengvaxia ang ikinamatay ng mga biktima bagkus ruptured appendicitis, amoeba, dehydration, cancer, tumor, lupus, human immunodeficiency virus o HIV at leptospirosis.”

Inihayag ni Garin na paulit-ulit daw ang nasabing hakbang ng Department of Justice kahit na wala namang naipakitang ligal na basehan ang state prosecutors.

Sa ngayon, umaasa ang dating kalimim na maibabasura lamang ang kaso laban sa kanya at pati na rin sa mga kasamahan nito na nadawit sa nasabing kontrobersiya.