Nauwi sa madugong pamamaril ang dapat sana ay masayang pagdaraos ng taunang Garlic Festival sa Gilroy, California.
Ito ay matapos atakihin ng isang active shooter ang mga dumalo sa nasabing pyesta na kasalukuyang ginaganap sa Christmas Hill Park.
Ayon sa San Jose Police Department, hindi pa tuluyang nahuhuli ng mga otoridad ang suspek at sa mga oras na ito ay patuloy pa rin ang nagaganap na pamamaril.
Base sa initial report na inilabas ng mga otoridad, umabot na sa 11 katao ang sugatan habang isa naman ang kumpirmadong patay.
Nanawagan din ang mga ito sa mga taong patuloy na hinahanap ang kanilang mga ka-anak na dumalo sa Garlic festival na magtungo sa reunification center upang matulungan silang mahanap ang kanilang mga nawawalang kapamilya.
Ang Gilroy Garlic Festival ay isang three-day event na ginaganap taon-taon kung saan isinasagawa ang mga cooking competitions at dinadaluhan ng halos 100,000 katao.
Itinuturing din itong “World’s greatest summer food festival.”
Sinigurado naman ni U.S President Donald Trump na patuloy itong makikipag-ugnayan sa mga otoridad upang malaman ang tunay na motibo sa likod ng pamamaril.