Kumambiyo si retired police colonel at dating PCSO general manager Royina Garma sa kaniyang pahayag batay sa isinumite nitong affidavit sa House Quad Committee kung saan direkta nitong tinukoy si dating Pangulo Rodrigo Duterte na may pakana sa pagpapatupad ng nationwide campaign na nagresulta sa extrajudicial killings sa mga drug suspeks sa ilalim ng kaniyang termino.
Nasurpresa ang Komite sa pagbaliktad ni Garma batay sa kaniyang testimonya na nagdulot ng panibagong insight hinggil sa implementasyon ng Duterte admin sa kontrobersiyal na war on drugs partikular ang reward system para sa EJKs.
Sa affidavit ni Garma kaniyang ibinunyag ang ilang mahahalagang impormasyon na kinasangkutan ni Duterte at ng kaniyang dating aide at ngayon ay Senator Bong Go.
Idinitalye ni Garma ang kanilang pulong ni dating Pangulong Duterte nuong 2016 kung saan naghahanap ito ng isang opisyal na magpapatakbo sa war on drugs.
Sinabi ni Garma kaniyang inirekumenda ang kaniyang upperclassman sa PNPA na si Police Colonel Edilberto Leonardo na nuon ay naka assign sa CIDG.
Inatasan si Leonardo na bumuo ng specialized task force matapos makipag pulong kay ex-PRRD.
Dahil dito gumawa ng proposal si Leonardo at kaniya itong isinumite kay Duterte sa pamamagitan kay Sen. Go.
Sa kalaunan ipinatupad ng team ni Leonardo ang kanilang plano kung saan si Garma ang nagsilbing tagapamagitan.
Ibinunyag din nito ang reward system at ang pondo ay idinadaan sa bank accounts ni Peter Parungo isang dating detainee.
Sinabi din ni Garma na mismong si Leonardo ang nagrereport ng lahat ng namatay mula sa police operations direkta kay dating Special Assistant to the President para maisali sa weekly reports at upang masiguro na ma refund ang mga operational expenses.
Sinabi ni Garma na si Leonardo ang tumutukoy kung sino ang isasama sa listahan ng mga drug personalities at kung sino ang tatanggalin sa listahan.
Kinumpirma din ni Garma na narinig din niya ang usapan hinggil sa operasyon sa Davao penal colony.
Nagpahayag naman ng kahandaan si Garma na magbigay pa ng testimonya sa quad comm kaugnay sa EJK na may kinalaman sa illegal drugs.