Ibinunyag ni dating PCSO General Manager Royina Garma na ang task force na pinamumunuan ni retired Police Colonel Edilberto Leonardo, na nakabase sa regional office ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa Davao City, ang naging pangunahing pugad sa reward system ng war on drugs campaign ng administrasyong Duterte.
Sa kanyang sinumpaang salaysay na isinumite sa Quad Committee ng Kamara de Representantes, ipinaliwanag ni Garma kung paano ginamit ang reward system na nagmistulang insentibo sa pagpatay sa mga hinihinalang drug suspects, kaya mas minamabuti ng mga pulis na patayin ang mga suspek kaysa arestuhin ang mga ito.
Inihayag ni Garma, na isa ring retiradong pulis at kilalang malapit kay Duterte, na ang kontrobersyal na kampanya laban sa droga ay isinagawa sa ilalim ng direktang utos ng dating Pangulo, kung saan ang kanyang kaibigan na sina Senador Christopher “Bong” Go, at si Leonardo ang may pangunahing papel sa pagpapatupad nito.
Si Leonardo, na noon ay hepe ng CIDG Region 11, ay bumuo ng isang grupo ng mga pinagkakatiwalaang operatiba upang isagawa ang drug war operations, na ibinatay sa tinaguriang “Davao Model” na ginamit noong panahon ni Duterte bilang alkalde ng lungsod—isang sistema na nagbibigay ng gantimpala sa mga pulis na pumapatay ng mga hinihinalang drug suspects.
Ang grupong ito ay binubuo nina Rommel Bactat, Rodel Cerbo, Michael Palma, at Lester Berganio.
Ayon kay Garma, ang mga operatibang ito ay inatasan na mangalap ng impormasyon tungkol sa mga hinihinalang sangkot sa droga at iulat tungkol sa mga pag-aresto at pagpatay.
Ang mga ulat na ito ay pinangangasiwaan ni Berganio, na may hawak ng detalyadong listahan ng mga taong sangkot sa droga sa bansa.
Ang mga impormasyong ito ay isusumite kay Leonardo, na siyang magpapasya sa “antas” ng operasyon at magtatalaga ng kaukulang halaga ng “reward”.
Sa naging pagdinig noong Biyernes, sinabi ni Garma sa Quad Committee na bagaman hindi niya alam ang eksaktong halaga ng mga reward money sa antas ng target, naglalaro umano ang presyo nito mula P20,000 hanggang P1 milyon.
Ang mahalagang bahagi ng testimonya ni Garma ay nakasentro sa financial operations na sumusuporta sa mga aktibidad ng task force na pinapangunahan ni Leonardo.
Ibinunyag pa niya na si Peter Parungo, na dating nakulong sa kasong panggagahasa, ang namahala sa mga financial transaction na may kaugnayan sa task force.
Lahat ng pondo para sa COPLAN, mga reimbursement para sa mga gastusin sa operasyon, at mga reward para sa mga ahente ay dumadaan sa mga account ni Parungo sa mga pangunahing bangko sa Pilipinas.
Dagdag pa sa sinumpaang salaysay ni Garma, inihayag na si Leonardo ay may ganap na kontrol sa listahan ng mga personalidad na sangkot sa droga na tinarget ng task force.
Samantala, ipinaabot naman ni Napolcom Vice Chair Alberto Bernardo sa Quad Committee sa pagdinig noong Biyernes na si Leonardo ay nag-resign bilang Napolcom commissioner sa gitna ng isinasagawang imbestigasyon kaugnay ng extrajudicial killings.
Sa kabilang dako tinanggap na ni PBBM ang resignation ni Leonardo.