Maaaring pabalik na ng bansa si retired police colonel at dating PCSO GM Royina Garma matapos harangin sa pagdating nito sa Amerika ayon kay Philippine Ambassador to the United States Jose Manuel “Babe” Romualdez.
Kinumpirma din ng PH envoy na ipinaalam ng US authorities sa Philippine Consulate ang pagkulong kay Garma.
Matatandaan na umalis ng bansa si Garma kasama ang kaniyang anak na babae noong Nobiyembre 7 at naharang at ikinustodiya ng US Immigration sa San Francisco dahil sa kaniyang canceled visa.
Ipinaliwanag naman ni Ambassador Romualdez na ang pagkansela sa visa ni Garma ay marahil dahil sa Magnitsky Act.
Sa ilalim kasi ng naturang batas, pinagbabawalan ng US government ang pagpasok, pag-freeze ng assets at pagpapatupad ng iba pang sanctions laban sa mga dayuhang government officials na sangkot sa paglabag sa karapatang pantao.
Tumanggi naman ang US Embassy sa Maynila na magkomento sa visa cancellation ni Garma dahil sa privacy concerns.
Maaalala, inakusahan ni Garma si dating Pangulong Rodrigo Duterte ng pago-organisa ng national task force base sa Davao model para pondohan ang mga anti-illegal drugs operations kung saan mayroon umanong cash reward system para sa mga makakapatay sa mga drug suspect.