-- Advertisements --

Nakatakdang magsumite si dating PCSO General Manager at retiradong pulis na si Royina Marzan Garma ng kanyang counter-affidavit sa Mayo 2, kaugnay sa mga kasong murder at frustrated murder na isinampa laban sa kanya sa Department of Justice (DOJ).

Iniuugnay si Garma sa pagkakapaslang noong 2020 kay dating PCSO board secretary at retiradong heneral na si Wesley Barayuga, habang sugatan naman ang kanyang driver na si Jun Gunao sa insidente.

Ayon sa abogado ni Garma na si Atty. Emerito Quilang, dahil wala si Garma sa Pilipinas, gagamit sila ng e-filing sa pagsusumite ng kanyang sagot sa reklamo.

Sa ngayon, nasa kustodiya pa rin si Garma sa Estados Unidos mula pa noong Nobyembre 2023, matapos umanong pumasok sa bansa nang walang sapat na dokumento.

Ayon kay Quilang, itinatanggi nilang may kinalaman si Garma sa krimen at wala siyang partisipasyon.

Pinabulaanan din ng abogado ang mga ulat na nakakulong si Garma sa US dahil sa umanoy money laundering.

Kinumpirma rin niyang nakansela ang unang hearing ng asylum case noong Abril 2, at wala pang bagong iskedyul para sa pagdinig.

Aniya, mahigpit ang gobyerno ng Amerika pagdating sa ganitong mga kaso. (Report by Bombo Jai )