-- Advertisements --

Nakakulong sa US si retired Police Colonel Royina Garma dahil sa umano’y money laundering at mga paglabag sa karapatang pantao ayon kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla.

Tinukoy ng kalihim ang Global Magnitsky Human Rights Accountability Act na ipinasa noong 2016 na nagpapataw ng mga parusa sa mga paglabag sa karapatang pantao at katiwalian kahit saan mang bansa.

Bagamat ayon kay Sec. Remulla, tinitignan ng Pilipinas na gamitin ang Mutual Legal Assistance in Criminal Matters (MLAT) sa pagitan ng Pilipinas at US para maiuwi si Garma.

Tiniyak din ng opisyal na ibabalik ng gobyerno si Garma sa bansa sa lalong madaling panahon.

Matatandaan na nauna ng napaulat na inaresto at ikinulong ng mga awtoridad sa Amerika si Garma noong Nobyembre 7 dahil sa nakanselang visa.

Maaalala din na si Garma na dating police official at general manager ng Philippine Charity Sweepstakes Office sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang nagbunyag sa House Quad Committee hearing na hiniling umano sa kaniya ng dating Pangulo na humanap ng pulis na miyembro ng Iglesia ni Cristo (INC) na maaaring mamuno sa nationwide implementation ng Davao model kung saan may reward system sa mga makakapatay sa mga drug suspect.