CAUAYAN CITY – Walang Pilipinong nasawi o nasugatan sa nagap na gas explosion na nagbunga ng pagkasawi ng 28 katao at marami ang nasugatan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Mary Ghorayeb, OFW sa Beirut, na pawang Arabo ang lahat ng mga nasawi sa pagsabog ng tangke ng gasolina.
Ang gasolina at diesel aniya ay lihim na iniipon ng may-ari para ibenta sa Syria ngunit nakarating ito sa kaalaman ng Lebanese army kaya nagpasya silang ipamigay ito sa mga tao dahil nagkukulang ng suplay ng gasolina sa naturang lugar.
Nang dumating ang mga tao na may mga hawak na galon na paglalagyan ng gasolina ay ipinag-utos umano ng anak ng may-ari sa isang Syrian na silaban ang gasolina sa pamamagitan ng lighter.
Nagalit umano ang nag-utos nang mabitawan ng Syrian ang lighter dahil nanginginig sa takot kayat binaril niya ang tangke ng gasolina na siyang sumabog.
Ayon kay Gng. Ghorayeb, pahirap nang pahirap ang sitwasyon sa Lebanon dahil nais ng mga tao na patalsikin ang mga namumuno sa kanila na walang ginagawa para sa kanilang kapakanan.
Nagkakaubusan ng suplay ng gasolina, pagkain at nagkukulang ang suplay ng koryente.
Sinabi ni Gng. Ghorayeb na silang mga Pilipino sa Lebanon ay nagdadamayan tulad ng pagbibigay ng gamot sa mga nauubusan ng maintenance medicine dahil walang mabili sa kanilang lugar. Nagbibigay din sila ng pagkain at gatas sa mga Pilipinong may anak dahil sa nagkakaubusan na ng suplay.