(Update) Sasagutin na umano ng PhilHealth ang gastos sa pagpapa-test para sa coronavirus disease (COVID-19) sa mga ospital.
Ayon kay Cabinet Secretary Karlo Nograles, ang mga COVID-19 tests sa mga pagamutan ay papasanin na ng Philhealth, maliban pa sa hospital fees para sa quarantine at isolation.
Ito rin umano ay para hindi na mabahala sa gastusin ang mga indibidwal na nais magpasuri.
“Given this, the last thing we want is for our citizens to worry about medical costs and expenses. Their only concern should be their well-being and the well-being of their families,” ani Nograles.
Wika pa ni Nograles, sinabihan siya ni PhilHealth president and CEO Ricardo Morales na nasa proseso na ang ahensya para isapormal at gawing operational ang bagong benefit.
Sa pagdinig naman ng House Committee on Appropriations, hinimok ni Anakalusugan party-list Rep. Mike Defensor ang PhilHealth na alisin na ang limit sa kung magkano lang ang dapat na sagutin sa pagpapagamot ng mga nagpositibo sa COVID-19.
“In this emergency situation, we should allow the maximum utilization of PhilHealth… Dapat dito wala nang limit,” ani Defensor.
Natukoy na sa testing pa lamang sa nakitaan ng sintomas ng COVID-19 ay aabot na sa P18,000 ang gagastusin ng isang indibidwal.
Kulang ito ayon kay Defensor sa P14,000 package na ibinibigay sa ngayon ng PhilHealth dahil kapag nagpositibo na ang isang indibidwal sa COVID-19 ay tinatayang aabot na sa P48,000 kada araw ang gagastusin nito sa pagpapagamot, at inaasahang tataas pa sa oras na lumala ang sitwasyon.
Una rito ay idineklara ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagsasailalim sa bansa sa state of public health emergency bunsod pa rin ng epekto ng COVID-19.