KALIBO, Aklan – Hindi na kailangang gumastos nang malaki ang mga turistang nais magbakasyon sa isla ng Boracay dahil sasaluhin na umano ng Department of Tourism (DOT) ang hinihinging COVID-19 testing.
Itinutulak ngayon ng DOT ang pagpapatupad ng mababang halaga o libreng RT-PCR test para sa mga bakasyunistang papuntang isla.
Sa pulong na isinagawa ng Boracay Interagency Task Force sa isla, sinabi ni Tourism Sec. Bernadette Romulo-Puyat na nagpapatuloy ang kanilang pakikipag-ugnayan sa University of the Philippines-Philippine General Hospital (UP-PGH) upang saluhin ang kahit 50 porsiyento ng gastos para sa swab test ng mga domestic tourists.
Nagkakahalaga aniya ang RT-PCR test sa UP-PGH ng P1,800 per kit mas mababa sa sinisingil ng ibang testing laboratory centers.
Maliban dito, pinag-aaralan din ng DOT ang posibleng paggamit ng rapid antigen tests para sa mga non-Aklanon tourists.