-- Advertisements --

Nais ni Senador Sherwin Gatchalian na palakasin ang karapatan ng mga pasahero ng mga taxi at tourist car transport services, lalo na tuwing holiday rush kung kailan mas sumisikip ang trapiko at bumababa ang kapasidad ng mga public transportation.

Ayon kay Gatchalian, wala pang batas hanggang ngayon na nagtatakda ng mga karapatan ng mga pasahero na may layuning itaas ang antas ng serbisyong transportasyon.

Upang tugunan aniyas ang problemang ito at maiwasan ang ganitong mga insidente sa hinaharap, ang passenger bill of rights ay magbibigay ng proteksyon sa publiko laban sa mga abusadong driver ng taxi at iba pang mga sasakyang paupahan.

Ito ang layon ng Senate Bill 819 o An Act Establishing the Rights of Passengers of Taxis, Tourist Car Transit Services, and Other Similar Vehicles for Hire, na inihain ng senador ngayong 19th Congress.

Paliwanag ni Gatchalian, in demand ngayong rush hour, kapaskuhan, tag-ulan, at dis-oras ng gabi ang mga pampublikong transportasyon kung saan prayoridad ang kapakanan at kaligtasan ng mga pasahero.

Sinabi ng mambabatas na tumataas ang ganitong mga insidente tuwing holiday season dahil sa pagdami ng pasahero na gumagamit ng taxi at iba pang pampublikong transportasyon.

Bunsod nito, nagiging mahirap para sa mga commuter ang makahanap ng masasakyan habang dumarami ang mga driver na naniningil ng labis na bayad.

Binigyang-diin ng senador na ang ganitong mga insidente ay madalas na pinapalampas o hindi naaaksyunan dahil sa kakulangan ng mga batas na pumoprotekta sa mga commuter.