-- Advertisements --

Kinalampag ni Senador Sherwin Gatchalian ang Bureau of Immigration (BI) na magpatupad nang mas mahigpit na deportation protocol para sa mga dating manggagawa ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO), na ipinagbawal sa simula ng taong ito.

Halimbawa, sinabi ni Gatchalian na ang mga manggagawang ito ng POGO ay hindi dapat payagang mag-layover flight dahil maaaring gamitin nila ang pagkakataon para tumakas at umiwas sa pananagutan at posibleng bumalik sa kanilang mga kriminal na gawain.

Giit ng senador, hindi makatwiran na nahuli ang mga kawatan na ito at hahayaan na lamang silang makawala sa transit flight hanggang bumalik na sila dito sa Pilipinas at bumalik sa dating gawi.

Sinabi rin ng senador na maraming POGO deportees ang may koneksyon at paraan para makaiwas sa mga awtoridad kung gugustuhin nila.

Aniya, nakatanggap daw siya ng impormasyon na noong Marso 7, humigit-kumulang 21 deportees ang dapat ihahatid pabalik sa China ngunit sa halip ay na-divert ang flight sa Kuala Lumpur at kalaunan ay pumunta sa Cambodia.