Nababahala si Senador Sherwin Gatchalian sa susunod na henerasyon ng bansa kung saan nasasangkot ang mga bata ngayon sa bullying at karahasan.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Basic Education, ipinakita ni Gatchalian ang iba’t ibang video ng insidente ng bullying sa mga paaralan kung saan umaabot na sa pananaksak at pagkasawi ng biktima.
Bagama’t nakaaalarma ang mga video ng pambu-bully, ngunit mas nakababahala aniya na itong mga batang ito ang susunod na mamamayan ng bansa na nasasangkot sa karahasan.
Giit ng senador, hindi maaaring hayaang maging normal ang karahasan sa mga paaralan, kaya naman mahalagang matiyak na masusugpo ito para sa kaligtasan at kapakanan ng mga estudyante.
Dapat aniyang sa maagang edad pa lamang ay natuturuan na ang mga mag-aaral na maging mabuting tao at mabuting mamamayan ng Pilipinas.
Tinukoy pa ng senador ang pangangailangan na epektibong maihatid ang mga programa at serbisyo ukol sa anti-bullying, conseling, at mental health.
Sinabi ni Gatchalian na kasama nito ang epektibong pagpapatupad ng Basic Education Mental Health and Well-Being Promotion Act o ang Republic Act No. 12080.