-- Advertisements --

Nanawagan si Senador Sherwin Gatchalian ng pagbabawal, pagbebenta, pamamahagi, at paggamit ng mga paputok sa gitna ng pagtaas ng online selling ng mga naturang produkto at iba pang pyrotechnic device.

Ayon kay Gatchalian, dahil patok na patok ang online selling kabilang na ang pagbebenta ng mga paputok, mahalagang maipasa ang batas na magbabawal sa pagbebenta at pamamahagi ng mga paputok sa online platform. 

Aniya, kailangan itong maipatupad bago pa dumami ang mga pumupunta sa mga platform na ito para bumili ng mga paputok. 

Ang pahayag ng senador ay kasunod ng mga ulat na laganap na sa online platform ang pagbebenta ng mga paputok na nakamamatay.

Inihayag ni Gatchalian, ang pagdami ng mga nagbebenta sa online platform ay nagdudulot ng mga bagong hamon, kung kaya’t ang mga awtoridad ay dapat magpatibay ng mga makabagong paraan upang matugunan ang mga panganib na ito.

Nauna nang inihain ng senador ang Senate Bill 1144 na kung magiging batas ay tatawaging Firecrackers Prohibition Act, na nag-aamyenda sa Republic Act 7183, na kilala rin bilang “An Act Regulating the Sale, Manufacture, Distribution, and Use of Firecrackers and other Pyrotechnic Devices.”

Ayon sa mambabatas, ang pagpapalabas ng Executive Order No. 28 hinggil sa regulasyon at kontrol sa paggamit ng paputok at iba pang pyrotechnic device ay hindi naging epektibo upang mapigilan ang mga pinsalang may kaugnayan sa paggamit ng paputok.

Aniya, ang panukalang batas ay nagbabawal sa pagbebenta, pamamahagi, pagmamay-ari, at paggamit ng anumang paputok o pyrotechnic device.

 Gayunpaman, nagbibigay ang panukala ng exception sa pagbabawal ng mga paputok, tulad ng pagkuha ng special permit mula sa PNP Fire and Explosives Office.