-- Advertisements --

Walang nakita si Senador Sherwin Gatchalian kay Li Duan Wang na direktang ugnayan sa Philippine Offshore Gaming Operators o POGO matapos aprubahan ng Kongreso ang paggawad sa Chinese national na Filipino citizenship. 

Kabilang kasi si Gatchalian sa bumotong pabor sa plenaryo ng Senado upang gawaran si Wang ng Filipino citizenship at tanging si Senadora Risa Hontiveros lamang ang bumotong tutol.

Ayon kay Gatchalian, matapos lumabas ang isyu ukol sa umano’y pagkakaugnay nito sa POGO, humingi sila ng karagdagang dokumento upang ganap na mapatunayan ang mga paratang sa Chinese national. 

Ayon aniya sa mga law enforcement agencies, wala raw silang nakita kay Wang na negatibong ulat partikular ang  pagkakaugnay nito POGO dahil upang pagkalooban siya ng Filipino citizenship. 

Kinatigan naman ni Gatchalian ang mga pahayag ni Senator Risa Hontiveros na maging maingat sa paggawad ng Filipino citizenship lalo kung may mga red flags na makikita pero iginiit din ng senadora na mahalaga ang mga kongkretong ebidensya upang hindi naman maabuso at hindi maging unfair sa dayuhang nag-a-apply ng naturalization.

Una nang iginiit ni Hontiveros na hindi kaya ng kanyang konsensya na paboran ang panukalang batas upang pagkalooban ng Filipino citizenship si Wang. 

Umapela rin ang senadora sa kanyang mga kasamahan na huwag paboran ang bill dahil si Wang ay isang “junket operator” ng Nine Dynasty Casino — isa sa pinakamalaking Pogo na isiniwalat sa mga nagdaang pagdinig ng senate committee on women and children 

Giit pa ng senadora, hindi ibinunyag ni Wang – sa kanyang aplikasyon para sa naturalization — na siya ay isang junket operator sa Nine Dynasty na aniya nakaaalarma dahil kung legal ang casino hindi niya ito itatago sa publiko.