Naniniwala si House Deputy Majority Leader at Tingog Party-list Rep. Jude Acidre na ang testimonya ng isang dating ahente ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na nagdadawit kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa iligal na droga ay bahagi ng mas malaking plano para siraan at pabagsakin ang kasalukuyang administrasyon.
Sa presscon sa Kamara nagkasundo rin sina Acidre, Deputy Majority Leader at Isabela 6th District Rep. Faustino “Inno” Dy, at Assistant Majority Leader at Taguig City 2nd District Rep. Amparo Maria “Pammy” Zamora na hindi mapagkakatiwalaan ang kredibilidad ng sinibak na PDEA agent na si Jonathan Morales.
Sa ginanap na pag-dinig ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs, sinabi ni Morales na totoo ang dokumento na nagdadawit sa Pangulo noong siya ay senador pa lamang at ang aktres na si Maricel Soriano sa paggamit ng iligal na droga.
Ngunit ayon kay PDEA Director General Moro Virgilio Lazo walang rekord sa ahensya ang sinasabing papel ni Morales.
Sinabi ni Lazo sa pagdinig na walang basehan at gawa-gawa lamang ang mga alegasyon ni Morales at hindi aniya dapat pagkatiwalaan ng Senado ang isang indibidwal na sangkot sa perjury o pagsisinungaling matapos nitong itago ng mag-apply sa PDEA na siya ay sinibak ng Philippine National Police (PNP).
Nagtataka rin si Acidre kung bakit napasama si Morales bilang resource person ng pagdinig ng Senado gayong ang ipinatawag na imbestigasyon ay kaugnay ng nakumpiskang 1.4 tonelada ng shabu sa Alitagtag, Batangas na nagkakahalaga ng P9.68 bilyon.
Dagdag pa ni Acidre mas naging kaduda-duda ang pahayag ni Morales matapos sabihin ng PDEA na computerized, serialized, at hindi maaaring mabura ang naipasok na sa kanilang rekord.
Kinuwestyon din ni Dy kung bakit pinaharap si Morales sa pag-dinig na dapat ay tungkol sa nasabat na droga sa Batangas.
Sinabi ni Dy na sa kasalukuyang teknolohiya ay madali ng gumawa ng pekeng dokumento.
Diskumpiyado si Dy sa mga testimonya ni Morales lalo na at may bahid na ang kredibilidad nito dahil bukod sa natanggal na pulis ay mayroon din umano itong kinakaharap na reklamo sa PDEA.
Wala rin naman aniyang sapat na ebidensya para mapatunayan ang pahayag ni Morales at pinasinungalingan na mismong liderato ng PDEA na mayroong ganoong mga dokumento.
Kinuwestyon naman ni Zamora ang authenticity ng mga dokumentong inilabas ni Morales.
Sabi na rin kasi ng PDEA na walang control number ang naturang dokumento.
Kulang din ani Zamora ang nilalamang impormasyon ng dokumento partikular ang address.