-- Advertisements --
Pres Duterte and Mrs Pimentel
Pres. Duterte and Mrs. PImentel

CAGAYAN DE ORO CITY – Sinang-ayunan ng pamilya Pimentel na ang pinakamabuti na tribute na maialay sa namayapang si dating Senate President Aquilino “Nene” Pimentel Jr. ay ang patuloy na pagsasakatuparan na maging pederalismo na ang sistema ng gobyerno sa bansa.

Reaksyon ito ng maybahay ni Pimentel na si Lourdes “Bing” Pimentel kaugnay sa suhestiyon ni dating Supreme Court chief Justice Reynato Puno na kung mayroon man na dapat ipagpasalamat ang taongbayan ay ang pagsakatuparan na mabago ang kasalukuyang sistema ng pamamahala ng Pilipinas.

Sinabi sa Bombo Radyo ni Gng. Pimentel na kailanman ay hindi bumitaw ang kanyang asawa na mabigyang katuparan na mabigyan ng sapat na kapangyarihan ang local government units kaya wala itong pagod na isinusulong ang proposed federal government.

Inihayag pa ni Mrs. Pimentel na kung anuman ang susunod na plano ng dating binuo ni Pangulong Rodrigo Duterte na Consultative Commission (ConCom) kung saan kapwa miyembro ang dating senador at si Puno ay susuportahan ito ng buong-buo ng pamilya.

Nakatakda kasing tumungo ang ConCom members sa Cagayan de Oro City upang ipaintindi pa ng husto sa taongbayan ang ukol sa usaping pederalismo sa Oktubre 26.

Dadalhin naman ng pamilya ang labi ni Pimentel sa city tourism hall upang mayroong pagkakataon ang taga-Mindanao na makapagbigay ng huling respeto simula mamayang gabi hanggang buong araw bukas.

Si Pimentel bago nakarating sa mga matataas na katungkulan sa national government ay nagsilbi munang alkalde sa lungsod, dating kongresista ng Misamis Oriental at kilala bilang vocal critic ni late President Ferdinand Marcos Sr.

Nakulong ito ng apat na beses noong rehimeng Marcos.