Mas maigi raw kung ihinto na lamang ang operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) dito sa bansa kung hindi na ito ma-regulate.
Kasunod na rin ito ng kaliwa’t kanang mga kontrobersiya na kinasasangkutan ng Philippine Offshore Gaming Operators dito sa bansa kabilang na ang mga kaso ng kidnapping at abduction.
Ayon sa senadora, noong una raw ay pabor din ito sa operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators sa bansa dahil malaki rin ang kikitain dito ng Pilipinas.
Pero gaya raw ng electronic o E-Sabong na naging maganda namang source of income ng bansa pero mahirap i-regulate, ay mas maiging ipasara na rin ang operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators sa Pilipinas.
Aniya, ang E-Sabong ay naging kontrobersiyal din matapos ang biglang pagkawala ng ilang sabungero sa bansa na iniuugnay sa naturang sugal.
Ngayon naman ay lumutang ang isyu ng pagdukot at pag-abduct sa mga Chinese nationals na nagtatrabaho sa Philippine Offshore Gaming Operators na sinasabing kagagawan din ng kapwa nila Chinese nationals.
Kaya naman sinabi ng senadora na hindi na sapat ang halaga ng binabayaran ng mga operators ng POGO sa mga krimeng nagaganap dahil sa naturang sugal.
Dagdag ng senadora, idinulog na rin daw niya sa kanyang kapatid na si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang naturang isyu pero kailangan pang pag-aralan ng Pangulong Marcos kung tuluyan nang tanggalin ang Philippine Offshore Gaming Operators sa bansa.
Una rito, sinabi ni Senate Public Order and Dangerous Drugs Committee Chairperson Ronald “Bato” dela Rosa na puwedeng maging solusyon para matuldukan ang mga krimen sa pag-ban ng Philippine Offshore Gaming Operators sa Pilipinas.
Noong Sabado lamang, iniulat ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na mayroon silang ipinasarang Philippine Offshore Gaming Operators establishment sa Pampanga.
Sa naturang operasyon ay nailigtas naman nila ang 43 foreign nationals na hinihinalang biktima ng human trafficking.
Samantala, sa panig ng Bureau of Immigration (BI) at National Bureau of Investigation (NBI) nasa 100 umano’y naaabusong mga foreign at Filipino POGO workers ang kanilang nailigtas sa Cainta, Rizal.