Patuloy na inatake ng Israeli forces ang Central Gaza nitong Linggo, December 31. Kasunod nito, maglalabas din sila ng ilang reservists upang labanan ang Hamas para umano sa mas mahabang labanan.
Pinaulanan din ng air strikes ng Israel ang parte ng Gaza kung saan sampu ang namatay sa isang bahay at ang iba ay tumungo sa border ng Egypt para makaligtas.
Ayon kay Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu, aabutin pa ng maraming buwan bago matapos ang laban ng kanilang bansa sa Hamas.
Umaasa naman ang mga Palestinian sa Gaza na magkaroon na ng ceasefire sa pagpasok ng bagong taon. Sa isang pahayag ni Zainab Khalil, isang residente ng Northern Gaza na ngayo’y nasa Egypt na, hindi mga firecrackers ang ingay na sasalubong sa kanila kundi mga missiles at tank shells na patuloy na pumapatay sa mga inosenteng sibilyan.
Ayon naman sa Israel, 174 na military personnel na nito ang nasawi sa digmaan laban sa Gaza pero patuloy umanong umuunlad ang kanilang operasyon kabilang na ang pagsira sa Hamas tunnels.