Inanunsiyo ng e-wallet na GCash na naresolba na ang naranasang bank transfer glitch nitong Biyernes, Nobiyembre 22.
Ito na ang ikalawang pagkakataon na nagkaroon ng problema ang e-wallet ngayong buwan ng Nobiyembre. Ang unang insidente ay ang napaulat na pagkalimas ng pera ng ilang user mula sa kanilang account.
Kaugnay sa insidente kahapon, inanunsiyo ng GCash na nakaranas ng problema ang kanilang bank transfer feature sa pamamagitan ng BancNet subalit hindi malinaw ang ugat nito.
Sa abisong inilabas ng e-wallet platform, sinabi nitong tinatrabaho na ng BancNet na maibalik ang serbisyo sa lalong madaling panahon.
Pinayuhan naman nito ang mga apektadong user na kapag na-debit ang kanilang bank account ay mai-credit ito sa GCash wallet sa loob ng 24 hanggang 48 oras.
Samantala, nagpapatuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng Bangko Sentral ng Pilipinas na nagreregulate sa naturang app, at target na makumpleto ito sa kalagitnaan ng Disyembre.