-- Advertisements --

BACOLOD CITY – Tiniyak ng Department of Justice (DoJ) na hindi magiging backdoor mechanism ng mga inmates ang good conduct time allowance (GCTA) upang makalaya kahit hindi sila eligible.

Ito ang dahilan ayon kay Justice Secretary Menardo Guevarra na binuo ang joint committee ng DoJ at Department of the Interior and Local Government (DILG) upang i-review ang mga provision ng GCTA Law sa loob ng 10 araw at sinuspindi ang pagproseso ng GCTA.

Sa panayam kay Guevarra sa kanyang pagbisita sa Bacolod, inihayag nitong nire-review ang implementing rules and regulations ng Republic Act 10592 upang matiyak na ang entitled o eligible lamang sa GCTA ang maka-avail.

Layunin din aniya ng review na i-harmonize ang mga probisyon ng batas na hindi malinaw.

Ayon kay Guevarra, kailangang tapusin ng mga inmate ang kanilang hatol kung hindi naman sila nagpapakita ng good behavior sa loob ng kulungan.

Dahil dito, hindi pa masasabi ng DoJ secretary kung makakalabas na sa New Bilibid Prison (NBP) si former Calauan, Laguna Mayor Antonio Sanchez.

Ayon kay Guevarra, naka-hold ang judgment kay Sanchez at nasa Bureau of Corrections (BuCor) na ang pagdedesisyon sa mga inmates na na-review na ang kaso.