-- Advertisements --
Rep Ching Veloso
Rep. Ching Veloso / FB image

VIGAN CITY – Isinusulong pa rin ng isang mambabatas at lider ng komite na imbes na i-repeal lamang ang Republic Act 10592 o Good Conduct Time Allowance (GCTA) Law ay amyendahan na lamang ito.

Ito ay sa kalagitnaan pa rin ng isyu hinggil sa GCTA kung saan nakalaya ang ilang convicted criminals sa mga henious crimes at muntik nang mapalaya ang convicted rapist at murderer na si dating Calauan, Laguna Mayor Antonio Sanchez.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan, sinabi ni House justice committee – Leyte Rep. Vicente “Ching” Veloso na nakakatulong naman umano ang nasabing batas sa mga bilanggo na tunay ang kanilang ipinapakitang pagbabago sa loob ng kulungan.

Aniya, hindi umano magandang tingnan na ang mga may pera na lamang ang may karapatan sa nasabing batas dahil sa mga lumutang na isyu na binabayaran umano ng mga convicted criminals ang komputasyon sa kanilang GCTA.

Maliban pa rito, nanindigan ang mambabatas na kailangang managot sa batas ang mga opisyal na nasa likuran ng pagpapalaya sa ilang convicted Chinese criminals at sa muntik nang paglaya ni Sanchez.