BUTUAN CITY – Kinumpirma ni P/Captain Emmerson Alipit, tagapagsalita ng Butuan City Police Office (BCPO), na isa sa 1,700 inmates na nag-avail ng Good Conduct Time Allowance (GCTA) Law ang sumuko sa Butuan City Police Station 4.
Kinilala itong si Terencio Ponesto, 51-anyos na residente ng Barangay Pigdaulan nitong lungsod, at na-detine sa Davao Penal Colony simula noong 1999 matapos mahatulan ng 27 taong pagkabilanggo dahil sa kasong rape.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Butuan, inihayag ni Captain Alipit na nito pang Hulyo ng kasalukuyang taon naka-avail sa GCTA Law si Ponesto kahit nakatakda nang makalaya sa 2021.
Nakumbinsi siyang sumuko sa BCPO-4 matapos marinig ang 15 days ultimatum na ibinigay ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanila upang hindi madeklarang mga pugante.
Dumulog siya upang ipaalam ang kanyang kahandaang makikipag-ugnayan para sa muli niyang pagpapabilanggo kung saan handa rin siyang tumalima sa ipapalabas na desisyon laban sa kanila.