TUGUEGARAO CITY- Pabor ang Integrated Bar of the Philippines na suspindihin muna ang pagpapatupad ng Good Conduct Time Allowance Law.
Sinabi ni Atty. Egon Cayosa, president ng IBP na ito ay upang bigyan daan ang pag-aaral sa nasabing batas at maayos na itong maipatupad matapos na mabunyag ang kamuntikan nang paglaya ni dating Calauan Mayor Antonio Sanchez.
Subalit sinabi ni Cayosa na tutol siya na buwagin ang GCTA Law dahil sa maganda ang hangarin nito subalit nagkaroon lamang ng problema sa pagpapatupad nito na nagbunsod ng malaking eskandalo sa Bureau of Corrections.
Ayon kay Cayosa, na kung bubuwagin ang GCTA Law ay kawawa naman ang mga maraming mga persons deprived of liberty na karapat-dapat na matagal na sa kulungan na mabigyan ng GCTA.
Sinabi niya na hindi solusyon sa problema ang pagbuwag sa nasabing batas at pagsibak kay Faeldon sa halip ay magpatupad ng pagbabago sa sistema.
Ito aniya ay upang mapanatili ang tiwala ng mga mamamayan sa mga kulungan at mabura ang mga espekulasyon na pinapaboran lang ang mga PDLs na may kaya sa buhay o kaya umanong magbayad para mapalaya.
Idinagdag pa ni Cayosa na dahil sa nasabing kontrobersiya ay marami PDLs ang nagrereklamo na mas nauna na pa ang mga hinatulan ng heinous crimes na nakalaya dahil sa mayroon umano silang pera.
Sinabi niya na hindi naman masisi ang mga ito dahil sa malinaw sa takbo ng imbestigasyon ng senado na tila pinapaboran ang mga PDLs na may kaya sa buhay.