-- Advertisements --

Nagsagawa ng rebisyon ang mga economic managers ng Duterte administration sa kanilang economic growth target ngayong taon dahil sa reimposition o pagpapatupad ng enhanced community quarantine (ECQ) at modified enhanced community quarantine sa (MECQ) sa National Capital Region (NCR) Plus area sa second quarter ng taon.

Sa isinagawang press briefing matapos ang 179th Development Budget Coordination Committee (DBCC) meeting, sinabi ni Budget Sec. Wendel Avisado na ginawa na nilang 6% hanggang 7% mula sa dating 6.5 – 7.5% ang growth projection kasunod ng paglabasan ng mga bagong COVID-19 variants at mas mahigpit na community quarantine classifications sa NCR Plus.

Magugunitang ang NCR Plus na kinabibilangan ng Metro Manila, Cavite, Laguna, Rizal at Bulacan ay isinailalim sa ECQ mula Marso 29 hanggang Abril 11 habang inilagay naman sa MECQ ang nasabing mga lugar noong Abril 12 hanggang Mayo 14.

Ang revised economic targets ng DBCC ay naaayon sa naunang pahayag ni Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) Governor Benjamin Diokno na ibababa ng economic team ang gross domestic product (GDP) target ngayong taon kasunod ng muling pagsasara ng ekonomiya bunsod ng ECQ sa NCR Plus.

Sa kanyang panig, inihayag naman ni Socioeconomic Planning Sec. Karl Chua na kailangang lumago ng 10% ang ekonomiya ng bansa simula ngayong second quarter hanggang sa katapusan ng taon para makamit ang 6% growth kasunod ng naitalang 4.2% contraction o paghina ng ekonomiya sa first quarter.

Gayunman, aminado si Sec. Chua na nakadepende ang recovery sa kung gaano kabilis ang vaccination rollout para ligtas na makapagbukas muli ang ekonomiya.
Samantala, nananatili naman sa P2.88 trillion ang revenue target ng economic team para sa 2021 at P3.29 trillion sa 2022.

Kaya malaki pa rin ang budget deficit ngayong taon lalo pa’t ang tinatayang disbursements o gastusin ngayong taon itinaas pa sa P4.74 trillion mula sa dating P4.66 trillion para mapondohan ang Bayanihan II at procurement o pagbili ng COVID-19 vaccines.