Sa susunod na buwan ng Hunyo, posibleng pormal na umupo bilang kalihim ng Department of Interior and Local Government (DILG) si AFP chief of staff General Eduardo Año, matapos siyang italaga ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa pakikipag ugnayan ng Bombo Radyo kay General Año kaniyang sinabi na wala pang announcement mula sa Malacanang kung kailan siya mag-assume bilang DILG chief pero maaring mapapaaga ang kaniyang pagretiro sa military service.
Sa buwan pa ng Oktubre sana ng kasalukuyang taon ang retirement niya.
“Wala pang announcement pero posible yun. Mag convene pa ang Board of Generals kapag me announcement na,” mensahe pa ni Gen. Año sa Bombo Radyo.
Binigyang-diin ng heneral na hinihintay pa nito ang go signal ng pangulo, pero pagtiyak nito na nakahanda na siyang pamunuan ang departamento.
Papalitan ng heneral ang sinibak na kalihim na si Atty. Ismael Sueno.
Sa kabilang dako, inihayag ni General Año na kapag mayroon ng announcement sa kaniyang pag-assume sa DILG post, ay agad namang mag co-convene ang Board of Generals na siyang maglalabas ng shortlist para sa mga magiging kandidato sa pagiging chief of staff na magiging kapalit niya.
Sinabi ni Año, matapos na magpulong ang Board of Generals ay saka lamang isusumite ang listahan kay Defense Secretary Delfin Lorenzana na siyang magpapadala sa shortlist kay Pangulong Duterte para mamili ito kung sino ang magiging susunod na AFP chief of staff.
Mga major service commanders at mga area commands na may ranggong Lt. Generals ang siyang mga kandidato sa pagiging chief of staff.
Una rito, matunog umano ang pangalan nina Lt. Gen. Rey Leonardo ang commander ng Eastern Mindanao Command (EMC) at Western Mindanao Command (Westmincom) chief Lt. Gen. Carlito Galvez Jr. na papalit sa pwesto ni Año.