Kinumpirma ni Philippine National Police (PNP) chief police director Gen. Ronald “Bato” Dela Rosa na inirekomenda niya kay Pangulong Rodrigo Duterte bilang susunod na pinuno ng pambansang pulisya si National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Police Director Oscar Albayalde.
Si Dela Rosa at Albayalde ay mag-mistah na parehong miyembro ng Philippine Military Academy Class of 1986.
Ayon kay Dela Rosa, nais kasi niya magkaroon ng continuity lalo na sa kampanya ng pamahalaan laban sa iligal na droga.
“Yes I recommended gen albayalde to be the next chief, pnp in order for this govt to have a continuity in the war on drugs and our internal cleansing program in the PNP,” mensahe ng PNP chief.
Bukod sa giyera kontra droga, ipagpapatuloy din ng NCRPO chief ang internal cleansing program ng PNP.
Mensahe naman ni PNP chief kay Albayalde na ituloy ang laban.
Kahapon inanunsyo ng Pangulo ang kanyang napili bilang kapalit ni Dela Rosa sa PNP, na dalawang ulit nang in-extend sa serbisyo.
Si Albayalde aniya ang kanyang napili dahil sa pagiging istrikto base sa rekomendasyon ng mga matataas na police officials.
Nangako naman si Albayalde na itutuloy niya ang mga programa sa PNP na layong gawing mas propesyonal ang hanay, at pagpupursigihin na makamit ang tunay na pagbabago sa bansa.