-- Advertisements --

Ikinatutuwa umano ni Western Mindanao Command (WestMinCom) commander Lt. Gen. Carlito Galvez ang pagkakatalaga sa kanya bilang susunod na chief-of-staff ng Armed Forces of the Philippines (AFP).

Sa pakikipag-ugnayan ng Bombo Radyo, sinabi ni Galvez na nagpapasalamat siya sa tiwalang ibinigay sa kanya ni Pangulong Duterte at gagawin raw niya ang lahat para magampanan ang kanyang bagong tungkulin.

Aniya, ikinagulat niya raw umano ang naturang pasya ni Pangulong Duterte.

“I would like to thank the President for the trust and confidence, I would like to take this opportunity and I will do my best with honor, integrity and loyalty that I will serve the best that I can,” saad sa mensaheng ipinadala ni Galvez.

Si Lt. Gen. Galvez ay nagsilbi na rin bilang commander ng 6th Infantry Division na nakabase sa Maguindanao.

Siya ang pinuno noon ng Coordinating Committee on the Cessation of Hostilities (CCCH) ng gobyerno nang mangyari ang Mamasapano encounter na ikinamatay ng 44 na PNP-Special Action Force sa Maguindanao noong Enero 2015.

Nagtapos si Galvez sa Philippine Military Academy (PMA) noong 1985.

Una nang sinabi ni Defense Sec. Delfin Lorenzana na sa Abril 18 ang nakatakdang change of command.

Pero batay sa pahayag ni Presidential spokesperson Harry Roque, sa April 14 umano idaraos ang naturang seremonya.