Nagpaabot din nang pagbati ang pamunuan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa pangunguna ni AFP chief of staff General Carlito Galvez kay Airwoman First Class Hidilyn Diaz na miyembro ng Philippine Air Force (PAF).
Ito ay matapos masungkit ang gold medal sa women’s 53-Kilogram event sa 2018 Asian games weightlifting competition na una para sa Pilipinas.
Ayon kay AFP spokesman Col. Edgard Arevalo, ipinakita ni Hidilyn ang kaniyang sipag, tiyaga, at dedikasyon sa trabaho hindi lang ng bawat sundalo kundi bawat Filipino na kayang magtagumpay sa kabila ng matinding hamon.
Sinabi ni Arevalo, ipinagmamalaki ng buong AFP ang tagumpay ni Diaz na umangat sa pandaigdigang katanyagan mula sa isang simpleng panimula.
Nakamit ng Zamboangueña weightlifter ang come-from-behind win kontra sa kalaban nito na si Kristina Shermetova ng Turkeministan na nanguna sa snatch competition dahil sa nabuhat nitong 93 kilograms.
Si Hidilyn ang kaisa-isa ring silver medalist ng Pilipinas sa huling Olimpiyada sa Rio de Janeiro.
Inaasahan namang magbubulsa si Diaz ng mahigit sa P6 million na premyo mula sa gobyerno at mga ambag mula sa private sectors.