-- Advertisements --

Hindi umano palalagpasin ni Philippine National Police (PNP) Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Officer-in-charge PBGen. Nicolas Torre III ang mga nandadamay sa kaniyang pamilya kasunod ng matagumpay na pagkaka-aresto kay Apollo Quiboloy.

Kuwento ng heneral, ilang mga miyembro na ng Kingdom of Jesus Christ ang umaatake sa kanyang pamilya sa pamamagitan ng social media.

Bumabaha aniya ng hate message ang mga social media account ng kanyang mga anak at maging ang asawa hanggang sa ngayon.

Ayon kay Torre, wala siyang problema kung i-harass ng mga suporter ang mga pulis kabilang na siya ngunit hindi niya umano palalagpasin ang pag-atake sa kanyang pamilya o pamilya ng mga kapwa niya pulis na naging bahagi ng matagumpay na operasyon.

Ayon kay Torre, inihahanda na nila ang mga kasong kahaharapin ng mga suporter na unang natukoy na gumawa nito.

Babala niya sa mga miyembro ng KOJC na gumawa nito, hintayin na lamang nila ang mga notice ukol sa kanilang kaso sa mga susunod na araw.