Sa kabila ng ilang araw na komprontasyon sa pagitan ng Davao Police at mga miyembro ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC), nagpapasalamat pa rin si Regional Director BGen. Nicolas Torre III sa mga suporter ng naturang sekta sa kanilang ipinakitang kooperasyon.
Giit ni Torre, kahit meron mang hindi pagkakaintindihan, bangayan, at mga enkwentro sa pagitan ng pulisya at mga supporters, maliit lamang na bagay iyon aniya.
Umaasa ang heneral na ang tuluyang pagkakahuli ni Quiboloy ay ang pagsisimula na ng ‘healing process’ mula sa hidwaan na bunga ng ginawang operasyon.
Nakiusap ang heneral sa mga miyembro ng KOJC na hindi siya ang kanilang kalaban.
Ayon sa heneral, ginampanan lamang niya ang kanyang trabaho bilang pulis, sa pagsisilbi ng warrant laban kay Quiboloy.
Si Torre ang nanguna sa operasyon ng PNP Davao Region sa KOJC compound na unang nagsimula noong Agosto.
Dahil sa kontrobersyal na operasyon, inimbestigahan na rin ito ng Senado nitong Biyernes, Setyembre-6, kung saan nagkasagutan ang mga tumatayong opisyal at legal counsel ng KOJC at PNP Davao Region sa pangunguna ni Director Torre.