Dahil sa patuloy na tumataas na kaso ng inaabusong kababaihan, biniyang-diin ng Gender Watch Against Violence and Exploitation (GWAVE) ang kahalagahan ng pagkakaroon ng support system.
Inihayag ni GWAVE Executive Director Onna Rhea Quizo na kailangang kilalanin na karamihan kung hindi man lahat ng mga biktima ay gustong magsampa ng kaso ngunit walang nakuhang suporta mula sa kamag-anak o sa malapit na kaibigan at sa halip ay ito pa ang nagiging masama.
Sinabi pa ni Quizo na kailangang suportahan at matigil na ang ang kulturang laging sinisisi ang babae dahil ang mga ito naman talaga aniya ang higit na nangangailangan ng tulong.
Sa pagtatanong ng Star Fm Cebu kung ilan na ang naitatalang kaso ng harassment sa buong Negros Oriental, ibinunyag niya na umabot sa 222 ang kanilang naitala noong nakaraang taon.
Bagama’t hindi na binanggit ang mga lugar, 12 pa sa mga ito ay empleyado ng local government units at hindi nagsampa ng kaso dahil sa takot na mawalan ng trabaho.
Dahil sa patuloy na pagtaas ng mga kaso ng panggagahasa at mga online sexual abuse, nagkaroon pa niya sila ng programa at adbokasiya sa pakikipagtulungan sa mga lgus at mga paaralan.
Binigyang-diin din nito na makakamit lamang ang gender equality at at ganap na maipatupad ang mga karapatan ng kababaihan kung ang mga lalaki ay maging bahagi ng solusyon.
Idinagdag pa niya na umiiral pa rin ang gender-based violence at mas tatagal pa kung manatili na lamang umanong mananahimik.
Hinikayat naman nito ang mga naging biktima ng pangha-harass na ituloy ang laban dahil handa naman silang tumulong kasabay ng panawagan sa komunidad na magpaabot ng pagsuporta.