-- Advertisements --

Binuksan na ang unang General Congregation of the College of Cardinals, kasunod ng pagpanaw ni Pope Francis kung saan sinabayan ito ng taimtim na panalangin.

Humigit-kumulang 60 cardinal ang dumalo sa pagtitipon sa Synod Hall, kung saan sila ay nanumpa, alinsunod sa Universi Dominici Gregis, ang dokumentong nagtatakda ng mga patakaran sa panahon ng sede vacante at sa pag-elect ng bagong Santo Papa.

Binasa ni Cardinal Kevin Farrell, Camerlengo ng Simbahang Katolika, ang huling habilin ni Pope Francis. Nagdesisyon rin ang mga cardinal na ipagpaliban muna ang mga nakatakdang beatification rites hanggang sa makaupo ang bagong Santo Papa.

Mababatid na itinakda ang libing ni Pope Francis sa Sabado, Abril 26, alas-10 ng umaga. Bago nito, ililipat muna ang kanyang labi sa St. Peter’s Basilica sa Miyerkules, Abril 23, kung saan siya’y ilalagak upang bigyang-pugay ng mga mananampalatayang Katoliko.

Bilang bahagi ng Novemdiales o siyam na araw ng pagluluksa, magsisimula ang mga banal na misa sa Linggo, Abril 27. Magpapatuloy ang mga misa araw-araw tuwing alas-5 ng hapon.

Itinalaga rin ang tatlong cardinal upang tumulong sa pamamahala ng simbahan habang bakante ang puwesto ng Santo Papa. Nariyan sina Cardinals Pietro Parolin, Stanisław Ryłko, at Fabio Baggio.