Hindi na muna magco-convene ang General Court Martial ng Armed Forces of the Philippines (AFP) kaugnay sa kaso ni Sen. Antonio Trillanes IV.
Ayon kay AFP chief of staff Gen. Carlito Galvez, ito’y bunsod na rin sa pag-dismiss ng Makati Regional Trial Court sa kasong coup d’ etat ng mambabatas.
Sinabi ni Galvez, maituturing nang sibilyan ang senador kaya’t ang civilian court na ang bahalang magpasya.
Idinagdag pa ni Galvez na napagpulungan na nila ito kasama si Pangulong Rodrigo Duterte kung saan irerespeto nila ang rule of law.
Sa ngayon, ang gagawin lamang umano ng AFP ay maghintay sa maging kapasyahan ng civilian court kung saan iaapela ng Department of Justice sa higher court ang kanilang hirit laban kay Trillanes.
Una rito, bumuo na ng General Court Martial ang AFP at nag-convene na ang mga mangunguna rito subalit itinigil at ipinaubaya sa korte ang kaso ng senador.
Binasura ng Makati RTC ang kaso laban kay Trillanes subalit pinagtibay ng korte ang inilabas na proclamation ng Pangulo na kanyang kinakansela ang iginawad na amnestiya sa kanya.