Humingi na ng paumanhin si Southern Police District (SPD) Director PBGen. Nolasco Bathan sa reporter na si Jun Veneracion sa pag-agaw nito ng cellphone sa kasagsagan ng Traslacion ng imahe ng Itim na Nazareno nitong Enero 9.
Humarap sa press conference ang heneral at sinabi na nagawa niya lang iyon dahil inakala niya na “threat” ang reporter at hindi niya nakilala ito.
Paliwanag ng opisyal, nangyari ang insidente noong panahon na may grupong nagtatangkang mang-agaw sa lubid ng andas sa may bahagi ng Ayala bridge bandang umaga, at naging uncontrollable ang situasyon.
Aniya, nagtangkang lumapit si Veneracion sa mga pulis habang nire-restrain nila ang isang leader ng mga deboto kaya siya napagkamalang “banta” pero giit ng opisyal na “unintentional” ang kanyang ginawa.
Sinabi rin Bathan na personal niyang tinawagan si Veneracion para humingi ng paumanhin at tinanggap naman aniya ito.
Gayunpaman magkakaroon pa rin ng imbestigasyon ng National Capital Region Police Office hinggil sa insidente.