Binigyang-diin ni Geneva Cruz na hindi pelikula o teleserye, ang hakbang nito sa pagpasok sa Philippine Air Force (PAF) at naging ganap nang isang reservist.
Si Cruz kasi na miyembro ng “OPM” group na Smokey Mountain ang pinakabago sa listahan ng mga artista na pinasok ang pagiging PAF reservist.
Ayon sa 45-year-old multi-platinum singer/actress, kahit may mga nagdududa sa kanyang kakayahan ay handa na siya sa panibagong yugto ng kanyang buhay bilang Sergeant Cruz.
“It’s real life. If you have doubts if I truly deserve this badge… Maybe you should enlist, too; it’s time to put your money where your mouth is, and It’s never too late to make something out of your life, instead of belittling and frowning upon another person’s passions and truth,” buwelta ni Cruz sa kanyang mga kritiko.
Nabatid na sinamahan siya ng malapit nitong kaibigan at kapwa miyembro sa Smokey Mountain na si Jeffrey Hidalgo sa kanyang graduation.
Si Geneva ay bahagi ng pamilya Cruz na isa sa mga kilalang angkan sa mundo ng showbiz kabilang sina Sheryl Cruz, Donna Cruz, Sunshine Cruz, Rayver Cruz, Rodjun Cruz, at Tirso Cruz III.
Bilang isang solo artist, nakilala si Geneva sa kanyang awitin na “Anak Ng Pasig.”
Taong 2004 nang ikinasal siya kay KC Montero ngunit naghiwalay din makalipas ang anim na taon. May dalawang anak siya, isa sa musikero na si Paco Arespacochaga at sa dati nitong boyfriend na si Lee Paulsen.