-- Advertisements --

GENERAL SANTOS CITY – Buo ang suporta ni International Boxing Federation (IBF) at World Boxing Association (WBA) super bantamweight champion Marlon “Nightmare” Tapales sa laban ni Nonito Donaire Jr. sa laban niya kay Alejandro Santiago ng Mexico.

Sa exclusive interview ng Bombo Radyo GenSan, sinabi ni Tapales na nakalalamang si Donaire sa 27-anyos na si Santiago kung karanasan sa boxing ang pag-uusapan.

Aniya, hindi hadlang ang edad ng The Filipino Flash na 40 anyos para sa laban dahil magaling ito.

Samantala sinabi naman ni Reymart Gaballo na isang magandang laban ang masasaksihan sa pagitan ni Donaire at Santiago na undercard Errol Spence Jr. vs. Terence Crawford bout na gaganapin sa Las Vegas, Nevada.

Ayon rito, malakas ang mga suntok ni Donaire at nanatili pa rin sa kaniya ang timing at accuracy bukod sa matalino ito sa laban.

Matatandaang si Gaballo ang nakaharap ni Donaire noon kung saan ni-knockout ito ng The Filipino Flash.