GENERAL SANTOS CITY – Nagdeklara na ng state of calamity ang local government unit (LGU) ng lungsod ng General Santos matapos maitala ang pagtaas ng insidente ng dengue fever sa siyudad.
Ayon kay City Disaster Risk Reduction and Management Council (CDRRMC) head Dr. Agripino Dacera, kanya na raw itong iminungkahi sa LGU dahil sa paglobo pa ng mga dengue cases na umabot na sa outbreak level.
Kaagad umanong inendorso ito sa Sangguniang Panlungsod sa pamamagitan ni Mayor Ronnel Rivera na siyang chairman ng CDRRMC.
Matapos ang deklarasyon, kaagad magagamit ng LGU ang 30% na emergency quick response fund para sa anti-dengue interventions sa 26 na barangay sa lungsod.
Mula Enero hanggang Agosto 9, mayroon nang 791 nabiktima ng dengue habang tatlo na ang kumpirmadong namatay.
Sa data ng City Health Office, nangunguna ang Barangay Calumpang na may 134 na mga kaso; sinundan ng Barangay Labangal 87; at San Isidro 70.
Humingi na rin ang lokal na pamahalaan ng dagdag na pondo para sa anti-dengue interventions na nasa community level.