-- Advertisements --

GENERAL SANTOS CITY – Nagpasa ng urgent resolution ang GenSan City Council upang himukin ang Comelec na ituloy ang congressional race sa unang distrito ng South Cotabato kasabay ng May 13, 2019 midterm elections.

Ito’y makaraang maglabas ng en banc resolution ang Comelec upang ikansela ang paghalal ng magighing representante ng first district at third district ng probinsya, matapos pirmahan ni Pangulong Duterte ang RA 11243 noong Marso 11, 2019, na nagdedeklara sa GenSan bilang ikatlong distrito ng South Cotabato, habang mananatili sa unang distrito ang mga bayan ng Tupi, Tampakan at Polomolok.

Naging dahilan nang konseho ay dahil gumastos na umano ang mga kandidato sa pagka-kongresista, habang gagastos din umano ang lokal na pamahalaan kung sakaling magdadaos ng special elections.

Iginiit din ng mga konsehal na sa loob ng anim na buwan ay walang magiging representasyon sa Kongreso ang higit kalahating milyong mamamayan ng GenSan.

Nararapat din umano na anuman ang nasa batas ay siyang maging batayan ng ginagawang IRR ng Comelec en banc.

Napag-alamang sa 2022 election pa magkakaroon ng sariling election para sa pagka- kongresista ang GenSan.