GENERAL SANTOS CITY – Nagsimula na ngayong araw ang lockdown sa General Santos City Fish Port Complex sa Barangay Tambler sa nasabing lungsod.
Sa panayam ng Bombo Radyo GenSan, inihayag ni Paris Ayon, food safety chief ng Philippine Fishiries Development Authority, walang operasyon sa Markets 1, 2, 3 at 4 hanggang Setyembre 6.
Ngunit sinabi nito na hindi kasali sa temporary shutdown ang cold storage at maging ang mga barko at fishing boats na magre-ice ng kanilang mga isda .
Aniya, ang lockdown sa fishport ay dahil sa isasagawang contact tracing sa lahat ng direct contact ng mga confirmed case na trabahante o may negosyo sa Fishport.
Napag-alaman na karamihan sa mga nagpositibo sa COVID-19 ay may koneksyon sa nasabing pasilidad.
Sa pagtaya, sinasabing hindi bababa ng 2,000 ang maapektuhan sa lockdown na kinabibilangan ng mga negosyante, mga ordinaryong mangingisda, laborers at iba pa na ang hanapbuhay ay nasa fish port.
Nalaman na anim sa pitong malaking pabrika ng Tuna sa bansa, anim rito ang kumukuha ng isda sa nasabing lugar.