GENERAL SANTOS CITY – Kaagad na nagpatupad ng lockdown sa General Santos City matapos na pumutok ang unang kaso ng African Swine Fever sa bayan ng Don Marcelino, Davao Occidental.
Sinabi ni GenSan City Veterinarian, Dr. Efraim Antonio Marin na hindi na makakapasok ang mga buhay na hayop na galing sa ibang lugar kahit na mayroong permit.
Ito’y upang proteksyunan ang hog industry sa GenSan na ikatlo sa mga pinakamalalaking hog producers sa buong bansa.
Napag-alaman na mayroon nang animal quarantine sa Barangay Apopong at Tinagacan at isasali na rin ngayon ang boundary ng Alabel Sarangani Province.
Samantala, magsasagawa ng 24/7 animal quarantine checkpoints ang munisipalidad ng Don Marcelino matapos ang pagkamatay ng humigit-kumulang 1,000 baboy sa ilang barangay sa naturang lugar.
Ito’y kinabibilangan ng Barangay Linadasan, North Lamidan, South Lamidan Calian, Mabuhay, Lawa, Nueva Villa at Baluntaya.
Dahil dito, inihayag ni Municipal Mayor Michael Maruya nagsagawa na silang sample collection at validations sa mga baboy at inirekomenda na rin nito ang temporary lockdown.