GENERAL SANTOS CITY – Ngayon pa lang ay nakaalerto na ang mga otoridad sa GenSan Oval Plaza at sa paligid nito dahil sa posibleng banta umano ng pagkakaroon ng gulo kasabay ng isasagawang synchronized prayer rally ng Kabus Padatuon o Kapa Community Ministry International Inc ngayong araw.
Una rito, nagmamakaawang nanawagan si KAPA founder Joel Apolinario sa kanyang mga miyembro na lumahok sa nasabing pagtitipon.
Subalit hindi tulad ng unang prayer rally na ginawa sa lungsod noong nakaraang linggo, batay naman sa mga social media posts, iilan na lang ang nagpahayag ng paglahok.
Higit isang linggo nang walang operasyon ang KAPA na ikinayamot at ikinadismaya ng mga miyembro nito.
Kung maaalala sinabi ni Geraldine Zamora, department head ng GenSan City Permits and Licenses Division na wala silang inisyu na business permit para sa KAPA.
Samantala, nadagdagan pa ang bilang ng KAPA member na nagpasaklolo sa Bombo Radyo GenSan nang humingi ng tulong ang isang senior citizen na lalaki, taga Malungon Sarangani Province na makuha ang kanyang P150,000.
Inamin nito na nanghihinayang siya nang nag-invest ito sa KAPA dahil ang nasabing pera ay matagal ng ipon nila ng kanyang misis.
Kaya’t desidido itong magsampa ng reklamo kay Pastor Apolinario para mabawi ang kanyang pera.