GENERAL SANTOS CITY – Tinanggal sa puwesto si S/Supt. Raul Supiter bilang pinuno ng General Santos City Police Office (GSCPO).
Nang matanong sa ginawang panayam ng Bombo Radyo GenSan, tila medyo galit na kinumpirma ni Supiter na ni-relieve ito na ayon sa kanya ay naging epektibo na kung saan utos mismo ni PNP Chief Oscar Albayalde.
Umiwas na itong banggitin pa kung ano ang dahilan ng pagkakasibak nito sa puwesto.
Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo GenSan, itinalaga ni Police Regional Office (PRO)-12 Director, C/Supt. Eliseo Tam Rasco si Deputy Regional Director for Operations S/Supt. Oliver Inmodias bilang acting PNP City Director sa siyudad.
Napag-alaman ding kaagad na inilagay sa floating status si Supiter simula nitong Lunes sa hindi pa malamang dahilan.
Matatandaang sa panayam rin ng Bombo Radyo GenSan idiniin ng isang Shiela Agustin si Supiter na isa umano sa nagpapatakbo ng Pulis Paluwagan Movement (PPM) na nakapangloko umano ng 95 porsyento ng mga pulis sa lungsod.
Nauna na ring itinanggi ni Supiter na may alam siya sa nasabing investment scam at iginiit na hindi nag-invest ng kanyang sariling pera sa PPM.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi nitong wala siyang direktang kinalaman ukol sa operasyon ng Kabus Padatuon (KAPA) sa lungsod.
Una rito, nanawagan rin ang ilang city councilors na patalsikin sa puwesto si Supiter dahil bigo itong masolusyunan ang serye ng shooting incidents sa lugar.