Isinusulong ni House Assistant Majority Leader at Zambales 1st District Rep. Jefferson Khonghun ang pagsasagawa ng Kamara de Representantes ng imbestigasyon kaugnay sa kontrobersyal na kasunduan sa pagitan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte at ng China.
Ayon kay Khonghun, nakababahala ang umano’y kasunduan dahil maaaring makompromiso rito ang teritoryo at kasarinlan ng Pilipinas.
Ang reaksyon ng mambabatas ay kaugnay ng naging pahayag ni Pangulong Marcos na nakakatakot ang naturang “gentlemen’s agreement.”
Ang umano’y kasunduan ay ginagamit umano ng China upang gamitan ng water canon ang mga bangka na naghahatid ng supply sa mga sundalong nakadestino sa BRP Sierra Madre.
Sinabi pa ni Khonghun na ang pakikiisa ng mga mambabatas sa pagsuporta sa paninindigan ng Pangulo ay nagbibigay diin sa pangangailangan na magkaroon ng transparency at accountability sa mga usaping may kinalaman sa pambansang soberanya at seguridad.
Umaasa din si Khonghun na sa pamamagitan ng imbestigasyon ay magkakaroon ng linaw at desididong hakbang upang itaguyod ang interes ng Pilipinas sa WPS.