-- Advertisements --

Nagpadala na ng National Guard ang gobernador ng Minnesota sa Minneapolis kasunod ng ikatlong araw sa nagpapatuloy na kilos-protesta ng mga galit na mamamayan ng nasabing lugar dahil sa pagkamatay ni George Floyd, isang Black-American.

Makikita sa viral video na ilang ulit nagmakaawa si Floyd para tanggalin ng pulis ang tuhod nito sa kaniyang leeg dahil hindi na raw ito makahinga.

Sinunog ng mga galit na nagpo-protesta ang presinto sa Minneapolis dahil pa rin sa kanilang nararamdaman na galit sa pagkamatay ng biktima.

Naging sentro ng kaguluhan ang Third Precinct ilang araw lamang matapos mapatay ng mga pulis si Floyd. Kaagad namang nilikas ng mga otoridad ang nasabing presinto bago pa man ito sunugin ng mga raliyista.

Nais ng mga ito na arestuhin ang mga pulis na tumuhod sa leeg ng biktima na naging rason ng agarang pagkamatay nito.